Senate President Chiz Escudero, ipinare-review ang paggamit ng cellphone sa loob ng detention facility ng Senado

Ipinare-review ni Senate President Chiz Escudero ang rules at guidelines sa paggamit ng cellphone sa loob ng detention facility ng Senado.

Kaugnay na rin ito sa ginawang pagbisita ni Escudero kay Nancy Gamo, ang accountant ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na nasa kustodiya na ng Senado, kung saan nagtanong ito sa kaniya kung maaaring gumamit ng cellphone para may mapaglibangan at hindi ma-bored sa loob ng detention room.

Ayon kay Escudero, wala siyang nakikitang dahilan para ipagbawal ang paggamit ng cellphone sa mga resource persons na nakadetine sa Senado.


Paliwanag ng Senate President, hindi naman mga drug lords ang mga nade-detain sa Mataas na Kapulungan para ipagpatuloy sa loob ng detensyon ang kanilang mga iligal na gawain at hindi rin magagamit ang cellphone para pumuga o tumakas sa detention facility.

Bukod dito, hindi rin bilanggo na pinaparusahan ang mga nakakulong na resource persons kundi ito ay para lamang matiyak ang kanilang pagdalo sa pagdinig.

Binigyan ni Escudero ang Office of the Senate Sergeant-At-Arms ng dalawang linggo para repasuhin ang rules at guidelines sa paggamit ng cellphone habang nasa loob ng detensyon.

Facebook Comments