Suportado ni Senate President Chiz Escudero ang rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., na babaan ang taripa sa ilang mga pangunahing bilihin.
Kasunod na rin ito ng pagbaba sa taripa ng imported na bigas sa 15% mula sa 35% at sa mungkahi pa ng ahensya na palawakin ang reduced tariff rates sa baboy hanggang sa taong 2028.
Ayon kay Escudero, malaya ang pangulo na taasan o babaan ang taripa salig na rin sa Tariff and Customs Code depende sa pangangailangan ng panahon at ang rason ng pagpapababa ng taripa sa ilang mga pangunahing produkto ay para mapahupa ang inflation at maibaba ang presyo ng mga pagkain sa bansa tulad ng bigas.
Sinabi ni Escudero na malaki ang positibong epekto sa ekonomiya ng pagbaba ng taripa kung saan inaasahan ang 2% na pagbaba sa inflation at maaari din itong sabayan ng iba pang economic indicators tulad ng pagbaba ng interest rates sa utang ng mga negosyante sa bansa.
Sakali namang may mga mambabatas na tutol sa pagbaba ng taripa ay maaaring maghain ng panukalang batas ang sinuman sa pagbabalik-sesyon para iwasto ang sa tingin nila ay pagkukulang o pagkakamali sa ginawang adjustment ng pangulo.