Senate President Chiz Escudero, suportado ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno

Suportado ni Senate President Chiz Escudero ang utos ni Pangulong Bongbong Marcos na isailalim sa lifestyle check ang mga public officials na nasasangkot sa maanomalyang flood control projects.

Iginiit ni Escudero na may legal na basehan ang Pangulo para gawin ang lifestyle check sa mga opisyal at tauhan ng pamahalaan.

Tinukoy nito ang Article 11 Section 1 ng 1987 Constitution na nagbibigay mandato sa mga opisyal ng pamahalaan na manatiling accountable sa taumbayan, magsilbi ng may integridad at mamuhay ng simple at Section 8 ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act o ang pag-dismiss sa opisyal dahil sa mga hindi maipaliwanag na yaman.

Dagdag dito ang RA 1379 o ang Forfeiture Law na nagbibigay kapangyarihan sa estado na bawiin ang illegally-acquired na yaman at Section 4(h) ng R.A. No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na mariing nagbabawal sa public official, employee at pamilya nito na i-display ang magarbong kayamanan.

Umaasa naman si Escudero na susuportahan ng Pangulo at gagawing prayoridad ang mga panukalang batas sa Senado na magco-compliment sa inisyatibong labanan ang katiwalian sa pamahalaan.

Facebook Comments