Senate President Chiz Escudero, tiniyak ang seguridad ni suspended Mayor Alice Guo at ng iba pang ipinaaaresto sa loob ng detensyon sa Senado

Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero ang maayos na kalagayan at kaligtasan nina suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ng iba pang ipinaaaresto ng Senado kaugnay sa imbestigasyon ng POGO sa Tarlac at sa Pampanga.

Ayon kay Escudero, ginagarantiyahan ng Senado ang kaligtasan ng sinumang dadakpin para ma-i-detain sa Mataas na Kapulungan.

Hindi lang aniya ito mai-a-apply sa mga kasalukuyang naisyuhan ng arrest order kundi pati na rin sa mga susunod pang mapasasailalim sa kustodiya.


Bukod dito, siniguro rin ng Senate President na maayos at tukoy na rin ang mga detention facilities na pansamantalang paglalagyan nina Guo at ng iba pang pinaaaresto.

Magugunita na unang naaresto nitong nakaraang Sabado ng mga tauhan ng Office of the Senate Sargeant at Arms ang accountant ni Mayor Guo na si Nancy Gamo kung saan isinailalim muna ito sa medical evaluation bago dinala sa detention facility ng Senado.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang paghahanap ng ilang team office ng OSAA sa posibleng kinaroroonan ni Mayor Guo at ng anim na iba.

Facebook Comments