Senate President Juan Miguel Zubiri, dismayado sa pahayag ng Chinese Embassy na ‘misinformation’ ang posibilidad na ma-blacklist sa turismo ng China ang Pilipinas dahil sa POGO

Dismayado si Senate President Juan Miguel Zubiri sa pahayag ng Chinese Embassy na “misinformation” o maling impormasyon ang isinapubliko ng senador kahapon sa pagdinig sa Senado kaugnay sa “blacklisted” na ng China sa turismo ang Pilipinas dahil sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Matatandaang kahapon ay sinabi ni Zubiri na kamakailan ay nagtungo sa kaniyang opisina at nag-courtesy call si Chinese Ambassador Huang Xilian at sa kanilang pag-uusap ay sinabi ng ambassador na “blacklisted” ng China sa turismo ang Pilipinas dahil sa POGO.

Giit ni Zubiri, sana ay sinabi na lang ng embahada na mayroon silang ‘clarification’ o paglilinaw sa halip na tawaging ‘misinformation’ ang inilabas niyang impormasyon.


Binigyang diin din ng senador na hindi siya nagkakalat ng fake news.

Sinabi pa ni Zubiri na sa kanilang naging pag-uusap ni Huang ay paulit-ulit na nanggaling sa bibig ng ambassador ang katagang “blacklisted” at hindi naman aniya siya nagsisinungaling o nananaginip.

At bago niya ilabas ang pahayag kahapon sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa pakinabang ng bansa sa POGO ay humingi pa siya ng permiso mula sa ambassador.

Hindi naman humihingi si Zubiri na mag-sorry ang ambassador o ang embahada dahil kapwa sila sovereign country pero balak ng Senate president na sulatan at hingian ang embahada ng ‘categorical statement’ kung posible bang i-blacklist ang Pilipinas dahil sa POGO.

Aniya pa, kung posible ang pag-blacklist sa bansa ay kasama ito sa gagawing rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ukol sa mga POGO.

Facebook Comments