Pabor si Senate President Juan Miguel Zubiri sa desisyon ng gobyerno na dagdagan ng apat ang kasalukuyang limang sites ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Ayon kay Zubiri, wala siyang nakikitang problema kung magdagdag ng mga bagong EDCA sites lalo’t may malaking bansa na nambu-bully at nangha-harass sa ating mga mangisngisda, sa Philippine Navy at sa Philippine Coast Guard (PCG).
Para kay Zubiri, kailangan natin ang EDCA sites partikular ang mga bagong bases na balak itayo sa Northern Luzon dahil makakatulong ito para mapalakas ang pwersa ng ating depensa na poprotekta sa ating teritoryo.
Aniya pa, kung lumala man ang tensyon sa Taiwan Strait dahil sa pinangangambahang pag-atake ng China ay tiyak na kasama pa rin sa maaapektuhan ang Pilipinas, may EDCA man o wala.
Bukod dito, nasa humigit kumulang 300,000 mga Pinoy ang naninirahan at nagtatrabaho ngayon sa Taiwan.
Kung magkagulo aniya ay kakailanganin ng Pilipinas ang tulong ng pwersa ng Estados Unidos para makalikas ng mga Pilipino mula sa Taiwan.
Hinamon naman ni Zubiri ang mga tutol sa EDCA na magtungo sa Pag-asa Island o ang Ayungin Shoal at tiyak na magbabago ang kanilang pananaw sa oras na salubungin at harangin sila doon ng mga malalaking barko ng China gayong teritoryo naman iyon ng bansa.