Senate President Migz Zubiri, tiniyak ang pagpapatibay sa sim card registration matapos muntik nang mabiktima ng extortion

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagsusulong at agad na pagpapatibay sa panukala para sa SIM Card Registration ngayong 19th Congress.

Ang pangakong ito ni Zubiri ay kaugnay na rin sa insidente na nangyari sa senador kung saan nakatanggap siya ng mensahe nitong August 14 sa isang nagpakilalang Governor JecJec Villa ng Siquijor at Board Member na si Abner Lomongo at hinihingan o kinikikilan siya ng mga ito ng pera para umano sa patuloy na suporta.

Sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), Southern District Field Unit , Castillejos Police Station, Zambales Provincial Police Office, at Office of the Senate President ay nadakip ang ‘posers’ na sina Bryan Ledesma, 23 taong gulang, at isang online seller at Danilo Ledesma, 46 taong gulang at isang magsasaka.


Maliban kay Zubiri ay may ilan pa palang senador ang nabiktima ng sinasabing ‘organized syndicate’ na ang modus ay magpanggap na isang lokal na opisyal o governor ng isang probinsya at mangingikil ng pera sa mga senador.

Dahil dito, siniguro ni Zubiri na maisusulong sa Senado sa lalong madaling panahon ang SIM Card Registration Act.

Aniya, kung marerehistro ang sim cards ay agad na matutukoy ang mga kawatan na nambibiktima gamit ang text at tawag.

Target ng Senado na mapagtibay ang panukala para sa sim card registration bago matapos ang taon.

Facebook Comments