Senate President Pro Tempore Loren Legarda, nakikiisa sa mga hakbang para labanan ang epekto ng El Niño Phenomenon

Nakiisa si Senate President pro tempore Senator Loren Legarda sa panghihikayat ng Malakanyang sa mga ahensya ng gobyerno kasama ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs) sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa pagtitipid ng tubig sa gitna na rin ng nagbabadyang El Niño phenomenon sa mga susunod na buwan.

Batay sa pagtaya ng PAGASA, 80 percent ng tsansa ng El Niño ay magsisimula ngayong Hunyo hanggang Agosto at maaaring tumagal hanggang unang quarter ng 2024.

Ayon kay Legarda, bagamat ang El Niño ay hindi direktang magdudulot ng kakapusan ng tubig pero ang kabawasan sa pagulan ay maaaring maging sanhi ng pagbaba ng suplay ng tubig at tagtuyot.


Nakakaalarma aniya dahil sa kabila ng mga pagulan nitong mga nakaraan, ang mga water resources sa bansa ay mababa pa rin.

Kaya naman, hinihimok ni Legarda ang lahat ng mamamayan na magtipid sa paggamit ng tubig at umaksyon agad para maiwasan ang mapaminsalang epekto ng krisis sa tubig sa pang-araw-araw na pamumuhay gayundin sa produksyon ng pagkain at sa kapaligiran.

Inirekomenda naman ng senadora ang ilang pamamaraan na makakatulong sa water conservation sa mga tahanan, trabaho at komunidad tulad ng pagsasaayos ng mga tagas ng tubig, paggamit ng mga water-efficient appliances, paggamit ng rainwater harvesting systems at pagiging maingat sa araw-araw na paggamit ng tubig.

Facebook Comments