Nilagdaan na mga lider ng Kongreso ang pinal na kopya ng ₱4.5 trillion 2021 national budget.
Ang mga pirma nina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Lord Allan Velasco ay nakalagay na sa ratipikadong 2021 General Appropriations Bill (GAB) na isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para ito ay aprubahan.
Ayon kay SP Sotto, ang budget bill ay posibleng naipadala na sa Malacañang kagabi o maaring ngayong umaga.
Sa ilalim ng GAB, popondohan nito ang pagtugon at parekober ng bansa mula sa epekto ng COVID-19.
Ang sektor ng edukasyon ang may malaking budget allocation na nasa 708 billion pesos na hinati sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), state universities and colleges at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay makakatanggap ng 694 billion pesos.
Ang sektor ng kalusugan – Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), specialty hospitals, at iba pa ay mayroong 287 billion pesos, kabilang na rito ang 2.5 billion pesos na pondo para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.