Senate President Tito Sotto III, hindi hahayaang maaresto si Sen. Bato dela Rosa sa loob ng senado

Hindi papayagan ni Senate President Tito Sotto III na mayroong senador na maaresto habang nasa bakuran ng Senado.

Ito ang pagtitiyak ni Sotto sa gitna na rin ng napaulat nitong Sabado na mayroong arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Giit ni Sotto, tulad ng mga nasabi niya noon at sa gitna na rin ng konsultasyon sa mga miyembro ng Senado, ay hindi niya papayagan na sa loob ng mataas na kapulungan ay may aarestuhing senador.

Paliwanag ng mambabatas, ito ay pagpapanatili na rin sa dignidad at institutional courtesy na ibinibigay sa bawat senador.

Gayunman, sakaling sa labas ng Senado mangyari ang pag-aresto ay wala nang kontrol dito ang senate leadership.

Wala namang impormasyon si Sotto tungkol sa naging pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na aarestuhin na ng ICC si Dela Rosa.

Facebook Comments