Muling hinimok ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Pangulong Bongbong Marcos, na pauwiin na sa kanilang bansa sa China ang Chinese Ambassador na narito sa bansa.
Ang apela ng senador ay kaugnay na rin sa dalawang magkasunod na panibagong water cannoning incident ng China Coast Guard (CCG) sa ating mga barko, na nasa gitna ng regular na rotation and resupply (RORE) mission sa Ayungin Shoal at ang humanitarian mission naman sa ating mga mangingisda sa Scarborough Shoal.
Inihirit muli ni Zubiri kay Pangulong Marcos, na pauwiin na sa China si Ambassador of China to the Philippines na si Huang Xilian dahil wala naman aniyang nagawa ito para tugunan ang patuloy na pagatake ng China government sa ating mga tropa na nagbabantay sa West Philippine Sea at sa ating mga mangingisda.
Tinawag din ng Senate President, na walang puso ang China dahil sa gitna ng humanitarian mission ay patuloy pa ring hina-harass ng mga ito ang ating mga kababayan.
Sinabi pa ni Zubiri, na sa huling insidenteng ginawa ng China ay hindi lang ito nag-iwan ng pinsala sa mga barko ng bansa kundi inilagay din nito sa panganib ang buhay ng mga Pilipino.