Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Senate-Sergeant-At-Arms (OSAA) sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa inaasahang pagbabalik sa bansa ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Ayon kay Senate Sergeant at Arms Retired General Roberto Ancan, nakikipagtulungan na sila ngayon sa NBI at nakaantabay na rin sa pagbalik sa Pilipinas.
Tulad aniya ng naging proseso kina Shiela Guo at Cassandra Li Ong, ganito rin ang prosesong pagdadaanan ni Alice Guo.
Kasama sina Ancan sa sasalubong sa dating alkalde pagdating sa airport pagkatapos ay ibibigay muna ito sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) bago ipasa sa NBI para isailalim sa inquest proceedings saka ibibigay sa kustodiya ng Senado.
Samantala, pinuri naman ni Senate President Chiz Escudero ang pagkakaaresto ng mga awtoridad kay Alice Guo sa Indonesia kung saan maaari na siya ngayong paharapin at papanagutin sa mga kaso laban sa kanya at umaasa rin ang senador na mabigyang linaw ang naging operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa Bamban, Tarlac.