Senate version ng MIF bill, pormal ng in-adopt ng Kamara

Pormal nang in-adopt o pinagtibay ng House of Representatives ang Senate Bill 2020 o bersyon ng Senado ng panukalang Maharlika Investment Fund o MIF Bill.

Bunsod nito ay nagpasalamat si House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd district Rep. Joey Salceda dahil nanatili sa bersyon ng Senado ang accountability at transparency safeguard.

Halimbawa nito ang pagsasagawa ng auditing, risk management at joint oversight na pawang nakapaloob din sa House version ng MIF Bill.


Tinukoy din ni Salceda na malinaw na nakasaad sa ipinasang MIF Bill ng Senado at Kamara na bawal gamitin sa pagkuha ng kapital at investment sa Maharlika Fund ang pondo ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance corporation (PhilHealth), Pag-IBIG, Overseas Workers Welfare Administration at Philippines Veterans Affairs Office.

Hinikayat naman ni Salceda ang ehekutibo na simulan na ang pagbalangkas ng implementing rules and regulations ng panukala at ipaloob dito ang pagpapahintulot sa multilateral financing institutions na maging bahagi ng kapital ng MIF.

Umaasa rin si Salceda na sa darating na state of the nation address o SONA ay babanggitin ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na nilagdaan na niya ang MIF Bill.

Facebook Comments