Pormal nang pinagtibay ng Mababang Kapulungan sa plenaryo ang Senate Bill 2219 na siyang bersyon ng Senado ng panukalang pagpapalawig hanggang June 2025 ng Estate Tax Amnesty na magtatapos na sana ngayong June 2023.
Ang pag-adopt ng Kamara sa Senate version ng panukala ay alinsunod sa rekomendasyon ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda.
Ayon kay Salceda, ito ay para hindi na kailanganin pa na idaan ang panukala sa bicameral conference committee at sa halip ay agad ng maisumite sa tanggapan ng pangulo para malagdaan at maging ganap na batas.
Sakop na rin ng panukala ang ari-arian ng mga indibidwal na pumanaw bago ang December 31, 2021.
Pinapahintulutan na rin ng panukala ang electronic o manual filing ng estate tax amnesty returns at pagbabayad ng tax sa mga awtorisadong bangko, revenue district officer, o tax software provider.
Dinalian at binawasan din ng Senado ang documentary requirements para sa pag-avail ng tax amnesty.
Bunsod nito ay hinikayat ni Salceda ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na bumalangkas na agad ng regulasyon para agad maipatupad ang panukala.