Nagdadalawang isip na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa isinusulong na panukalang batas na nagde-decriminalize o hindi na ituturing na krimen ang paggamit ng iligal na droga.
Kasunod na rin ito ng naging pahayag ng mga law enforcement agencies na posibleng magbigay ito ng maling signal sa publiko na ayos lang palang gumamit ng droga dahil hindi naman sila ikukulong at sa halip ay ipapa-rehab lang.
Ayon kay Dela Rosa, ito ang kinatatakutan ng marami kaya nag-aalangan na siya pagsusulong ng naturang panukala.
Bagama’t hindi pa binabawi sa ngayon ng senador ang inihaing panukala, balak muna niyang magpatawag ng panibagong pagdinig para makuha ang posisyon ng lahat ng panig dahil may iba pa namang nilalaman ang kanyang bill na naglalayong paamyendahan ang iba pang probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Nilinaw rin ni Dela Rosa na wala siyang intensyon na magpabango sa human rights sa pagsusulong ng decriminalization sa paggamit ng illegal drugs.