Iginiit ni Senator Bong Go, na hindi totoo ang mga kumalat sa social media na may pangalan niya ang mga donasyong kahon-kahong surgical mask at personal protective equipment o PPE.
Diin ni Go, malisyoso ang nabanggit na mga social media post na ang layunin ay siraan sya.
Ayon kay Go, siya at kanyang tanggapan ay walang kinalaman sa operasyon ng Office of the Civil Defense o OCD na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte para mamahala sa mga donasyon para sa krisis na dulot ng COVID-19.
Binanggit ni Go na wala din PPEs o medical equipment na dinadala o pinapamigay sa Malasakit Centers at wala din ditong pondo dahil isa lang itong referral center sa loob ng ospital na handang tumulong para mabayaran ang hospital bills ng mga pasyenteng walang pambayad.
Tinukoy ni Go na pinabulaanan na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ang mga impormasyon sa social media na nagkaroon ng raid sa mga ospital at kinuha ang kanilang mga supplies at equipment para ipamigay ng OCD sa ibang ospital.
Hiling ni Go, tigilan na ang pamumulitika at pagkakalat ng fake news dahil hindi ito nakakatulong sa sitwasyon ngayon dulot ng COVID-19.