Senator Chiz Escudero, pagpapaliwanagin ng Comelec hinggil sa natanggap na campaign contribution sa isang contractor

Pagpapaliwanagin na ng Commission on Elections (COMELEC) si Senator Chiz Escudero kaugnay sa pagtanggap nito ng P30 million campaign funds mula sa contractor ng Centerways Construction and Development Inc. na si Lawrence Lubiano.

Sa panayam kay COMELEC Chairman George Garcia, nakatakdang mag-isyu bukas ng show cause order kay Lubiano para pagpaliwanagin tungkol sa pagbibigay niya ng pondo para sa kampanya noon ni Escudero at kung bakit hindi siya dapat sampahan ng kasong election offense ng komisyon.

Sinabi ni Garcia na naunang umamin na rin naman na si Lubiano ng pagbibigay ng campaign funds kay Escudero kaya inuna na nila itong pagpaliwanagin.

Pagkatapos ni Lubiano ay sunod na iisyuhan ng show cause order si Escudero at pagpapaliwanagin tungkol sa pagtanggap ng donasyon noong halalan.

Kung mapatunayan na lumabag ang isang opisyal ay maaari itong sampahan ng kasong election offense na may parusang isa hanggang anim na taon na pagkakakulong at perpetual disqualification sa pagupo sa public office.

Sinabi pa ni Garcia na sa kanilang ginawang pagsusuri, nasa tatlong kandidato sa pagka-senador, apat na kandidato sa pagkakongresista, 15 party-list, at ilan pang local officials ang nakatanggap ng campaign donations mula sa 52 kontratista.

Facebook Comments