“Hindi aatras sa pagtakbo sa pagkapangulo sa 2022 election si Senator Christopher Bong Go.”
Ito ang nilinaw ni Presidential Adviser on Political Affairs Secretary Jing Paras kasunod nang naungkat sa pulong sa Malakanyang na saksi ang maraming gobernador, na hindi na umano ito tutuloy sa pagtakbo sa national post.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Paras na na-overwhelm lang si Senator Go sa dami ng trabaho nito bilang senador at pangunguna sa Malasakit Centers.
Muli namang magkakaroon ng pag-uusap si Senator Go at si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pinal na desisyon at malinawan ang senador sa mga gagawin nito sakaling manalong susunod na presidente ng bansa.
Sa 60 gobernador na dumalo sa pulong, tanging si Cagayan Governor Manuel Mamba at isa pang gobernador mula sa Mindanao ang hindi sumuporta kay Senator Go.
Pero sa kabila nito, nagpahayag naman ng suporta ang iba tulad nina; Marinduque Governor Presbitero Jose Velasco Jr., Susan Yap ng Tarlac, Nancy Catamco ng Cotabato, at Bai Mariam Mangudadatu ng Maguindanao.