Ngayong ika-pitong araw ng paghahain ng kandidatura, naghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) si Senator Cynthia Villar bilang kinatawan ng Las Piñas City.
Nasa huling termino na ng kanyang pagkasenador si Sen. Cynthia at magpapalit lamang sila ng kanyang anak na si Cong. Camille Villar na tatakbo naman sa pagkasenador.
Kasama ng senadora na naghain ng COC sa COMELEC-NCR ang kanyang pamilya, ang asawa na si dating Senate President Manny Villar at mga anak na si Senator Mark Villar at Cong. Camille Villar.
Naging emosyonal naman si Sen. Cynthia matapos maghain ng kanyang kandidatura dahil naalala niya ang kanyang ama na matagal naging alkalde ng Las Piñas City.
Sinagot din ng mambabatas ang mga katunggali sa Las Piñas na nananawagan na wakasan na ang political dynasty ng kanilang pamilya.
Aniya, maituturing na legacy at hindi dynasty ang sinimulan ng kanyang ama na para sa senadora ay pamana sa kanila ng kanyang ama na mahalin ang Las Piñas.
Samantala, unang naghain ng COC ngayong umaga si Rose Nono Lin bilang kinatawan ng 5th District ng Quezon City.
Si Lin, ay asawa ni Allan Lim at pareho silang idinadawit sa iligal na operasyon ng mga POGO at sa Pharmally scandal.
Inaasahang may mga maghahain din ngayong araw ng COC para sa pagkakongresista mula sa Marikina, Parañaque at Pasay City.