Tinawag ni Senator Leila de Lima na foul, unfair, pulitika at bahagi ng pagpapatahimik sa kaniya ng administrasyon ang pagtanggi ng liderato ng Senado na palahukin siya sa plenary sessions kahit gagawin ito sa pamamagitan ng teleconference o video conference.
Giit ni Senate President Tito Sotto III, hindi pwedeng pagbigyan ng Senado si de Lima dahil ito ay nasa hurisdiksyon ng korte at ng Philippine National Police (PNP).
Paliwanag ni Sotto, hindi rin pinayagan noon ang kanilang hiling na teleconferencing para mga nakakulong na sina dating Senators Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Diin naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, base sa desisyon ng Supreme Court sa maraming kaso, hindi maaring mag-practice ng kanilang propesyon ang mga bilanggo at kasama dito si de Lima.
Samantala, nilinaw naman ni Sotto na hindi nila maaring pagbigyan ang mungkahi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na daanin na nila agad sa teleconferencing ang pagbubukas ng kanilang sesyon sa Lunes, Mayo a-cuatro.
Ayon kay Sotto, kailangan muna ang kanilang presensya sa senate building sa lunes para sa pagbubukas ng sesyon kung saan dapat muna nilang ameyandahan ang kanilang rules para mapahintulutan ang teleconferencing.
Kaugnay nito ay nagsagawa na ng pag-inspeksyon si Sotto sa Senado kahapon para sa ilalatag na precautionary measures na layuning makapag ingat ang mga Senador, mga empleyado at mga bisita ng senado mula sa COVID-19.
Sa direktiba ni Sotto at sa rekumendasyon ng senate medical team, ay may thermal scanners, alcohol at hand sanitizer sa bawat pasukan ng senate building.
Mayroon ding mahahabang basahan na may disinfectant sa entrance doors ng gusali, sa covered parking area na binababaan ng mga Senador at sa pintuan ng bawat opisina.
Sinuri na rin ni Sotto ang mga equipment na gagamitin sa teleconferencing.