Manila, Philippines – Kumbinsido si Senator Leila de Lima na naapektuhan ng Dutertism o impluwensya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng Supreme Court kontra sa kanyang petisyon na ipawalang bisa ang arrest warrant sa kanya hinggil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Sabi ni de Lima, naapektuhan na ng Dutertism ang rason ng mayorya ng mga mahistrado sa kataas tasasang hukuman, kaya instrumento na rin ang mga ito kontra sa katotohanan at pagpapairal ng konsensya.
Diin ni de Lima, ang nabanggit na SC ruling ay nagpapatunay ng panggigipit at political persecution na pinapairal ng administrasyong Duterte.
Ayon kay De Lima, nalungkot at nasaktan sya sa pagbasura ng Supreme Court sa kanyang petisyon.
Sana, ayon kay De Lima, ay inunawa ng mga hukom ang pakiramdam ng isang inosenteng taong nakulong bunga ng paghihiganti ng nakaupong Pangulong.
Sabi ni De Lima, wala sya ngayong magagawa kundi ang patuloy na lumaban para sa katarungan kaya inihahanda na ng kanyang mga abogado ang ihahaing motion for reconsideration.