Pinagbigyan ng Muntinlupa Regional Trial Court branch 204 at 256 ang hiling ni Senator Leila de Lima na makalabas pansamantala sa kanyang detention cell sa Philippine National Police Custodial Center.
Si De Lima ay binigyan ng korte ng limang araw o 120 hours para magtungo at manatili sa Manila Doctors hospital sa Maynila mula June 19 hanggang June 25, 2022.
Sasailalim si De Lima sa operasyon na Vaginal hysterectomy alinsunod sa resulta ng kanyang checkup sa OB-GYNE noong April 5, 2022.
Layunin ng ilang araw na pananatili sa ospital na ma-obserbahang mabuti si De Lima lalo na ang kondisyon ng puso lalo na’t hinihinalang nakaranas ito ng mild stroke noong April 2021.
Base sa kautusan ng korte ay inaatasan ang hepe ng PNP custodial service unit na dalhin at bantayan si De Lima sa ospital hanggang makabalik muli sa kanyang detention cell.
Ayon sa abogado ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon, nakahanda silang hilingin sa korte na palawigin ang pananatili sa ospital ni De Lima kung kakailanganin.