Senator De Lima, nadismaya pero hindi nagulat sa pasya ng DOJ na ituloy ang mga kaso laban sa kaniya

Nagpasya si Justice Secretary Menardo Guevarra na katigan ang posisyon ng Department of Justice (DOJ) Panel of Prosecutors na ituloy ang mga kaso laban kay Senator Leila de Lima.

Ayon kay De Lima, bagama’t hindi na niya ikinagulat ang nabanggit na pasya ng DOJ ay labis nya itong ikinakadismaya.

Giit ni De Lima, dapat ay ikinonsidera ni Secretary Guevarra ang pahayag ng mga testigo na sila ay pinilit lamang na idiin siya sa mga kaso na may kaugnayan sa operasyon ng iligal na droga.


Ikinumpara pa ni De Lima si Guevarra kay Poncio Pilato na naghuhugas ng kamay kaya sinang-ayunan na lang ang assessment ng DOJ Panel of Prosecutors sa halip na pag-aralan ng malaliman ang kanyang kaso.

Masakit para kay De Lima na ang DOJ na kanyang pinaglingkuran noon bilang kalihim ay nabigo na gampanan ang pangunahing tungkulin nito na protektahan ang mga inosenteng katulad niya.

Diin ni De Lima, sa simula pa lang ay napakalinaw na ang mga kaso at ebidensya laban sa kanya ay imbento lamang kaya kawalan ng katarungan at hindi patas ang limang taong pagkakabilanggo nya.

Facebook Comments