Manila, Philippines – Pormal ng hiniling ni Senator Leila M. De Lima sa Mataas na Kapulungan na imbestigahan ang madugong raid ng PNP Criminal Investigation and Detection Group o CIDG sa bahay ng pamilya Parojinog sa Ozamiz City kung saan 16 ang nasawi.
Nakapaloob sa Senate Resolution no. 453 na inihain ng senador na kahina hinala ang naging takbo ng mga pangyayari sa nasabing raid kung saan nasawi si ozamiz Mayor Aldong Parojinog, kanyang misis at kapatid at iba pang indibidwal.
Sa kanyang resolusyon ay tinukoy ni De Lima ang ilang iregularidad sa nasabing police operations.
Kabilang dito ang pagsisilbi ng search warrant alas dos y media ng madaling araw, pagsira sa mga CCTV cameras, paghagis ng granada ng mga otoridad at iba pa.
Ang hakbang ni De Lima ay sa kabila ng pahayag ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Panfilo Ping Lacson na wala siyang nakikitang dahilan para imbestigahan ito ng Senado.
Una rito ay ipinaalala pa ni Lacson na ang ama ng napatay na si Mayor Reynaldo Aldong Parojinog na si Octavio alyas Ongkoy Parojinog ay ang nagtatag ng Kuratong Baleleng.
Ang nabanggit na grupo aniya ay nagsimula bilang anti communist group sa ilalim ng superbisyon ng militar pero kalaunan ay naging criminal group ito na sangkot sa kidnap for ransom activities, pagnanakaw, extortion at iba pang ilegal na aktibidad.
Magugunitang taong 1995 ng maganap ang Kuratong Baleleng rub-out case kung saan nakaladkad si Senator Lacson bilang pinuno noon ng Prresidential Anti-Organized Crime Task Force.
Pero noong 2012 ay pinagtibay Supreme Court ang desisyon ng regional trial court na nagbabasura sa kasong murder laban kay Lacson kaugnay sa nananggit na insidente.