Senator Drilon, iginiit sa DOTr na resolbahin ang problema sa MRT sa halip na ibunton ang sisi sa nagdaang administrasyon

Manila, Philippines – Iginiit ni Senate Minority Franklin Drilon sa Department of Transportation o DOTr na hanapan ng solusyon ang problema sa Metro Rail Transit o MRT sa halip na gawing sangkalan o pagbuntunan ng sisi ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon.

Pahayag ito ni Drilon makaraang sampahan ng DOTr sa Ombudsman ng kasong plunder ang mga opsiyal ng Aquino administration dahil sa mga kapalpakan sa operasyon ng MRT dulot ng umano’y maanumalyang kontrata sa BURI para maging maintenance provider ng MRT 3.

Punto ni Drilon, isang taon at kalahati na ang administrasyong Duterte kaya dapat ay may nagawa na ito para maresolba ang problema sa MRT.


Pangunahing sa mga kinasuhan ay sina dating Secretary Joseph Emilio Abaya, Mar Roxas, Butch Abad at iba pang miyembro ng Gabinete ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Tiwala naman si Senator Drilon na kayang kaya itong harapin ng mga kinasuhan lalo pa at wala aniya siyang matandaan na nagbulsa sila ng halagang hindi bababa sa 50-million pesos para sa plunder case.

Facebook Comments