Senator Drilon, nilinaw na hindi niya ipinagtatanggol ang pamilya Lopez

Sa pagsisimula pa lang ng kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ay kinastigo agad ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senate Minority Leader Franklin Drilon dahil sa umano’y pagtatanggol sa pamilya Lopez, na may-ari ng ABS-CBN.

Pero giit ni Drilon, hindi naman niya ipinagtatanggol ang mga Lopez, kundi ang freedom of the press dahil sa posibleng chilling effect ng pagpapasara sa ABS-CBN.

Paliwanag ni Drilon, sa harap ng pandemya ngayon ay mahalaga na mas malawak ang access sa impormasyon ng mamamayan lalo na ang nasa malalayong lugar, kaya sinusuportahan nya ang pagrenew sa prangkisa ng ABS-CBN.


Diin pa ni Drilon, kasama rin sa kaniyang ipinagtatanggol ang 11,000 manggagawa ng ABS-CBN na mawawalan ng trabaho ngayong may COVID-19 crisis.

Dismayado naman si Senator Francis Kiko Pangilinan na nangibabaw sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hangarin nitong pumatay matapos isulong ang pagbuhay sa death penalty.

Ayon kay Pangilinan, COVID, gutom at kawalan ng trabaho ng milyun-milyon ang matinding problema na sana ay pangunahing tinutukan ng SONA.

Facebook Comments