Pinayuhan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang mga senador na kakapanalo lang nitong eleksyon na mag-aral muna, makinig sa mga beteranong senador at obserbahan kung paano tumatakbo ang trabaho sa mataas na kapulungan.
Mensahe ito ni Drilon sa nga baguhang senador na naghahangad makuha ang mga pangunahing komite na pinamumunuan na ng mga incumbent senators.
Diin ni Drilon, may anim na taon para manungkulan ang mga neophyte senators at hindi naman magiging mahirap gawin na sa loob ng ilang buwan ay makinig muna sila para malaman ang kanilang mga nararapat gawin.
Bilang beterano ay handa din si Drilon na tulungan ang sinumang lalapit sa kanya na baguhang senador.
Paliwanag pa ni Drilon hindi lamang sa pagiging chairman ng komite umiikot ang tungkulin ng isang senador dahil mas malaking aspeto na sila ay makatulong sa mga polisiya sa pamamagitan ng pagtulong sa pagpasa ng mga panukalang batas.
Iginiit din ni Drilon ang tradisyon sa senado pagdating sa committee chairmanship kung saan iginagalang ang mga senior o incumbent senators.