Senator Drilon, umaasa na hindi ibi-veto ng Pangulo ang probisyon sa 2021 budget na nagpapahinto sa Forensic Laboratory ng PAO

Sa ipinasang bersyon ng Senado ng panukalang 2021 national budget, isinulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang probisyon na nagpapahinto sa operasyon ng Forensic Laboratory Division ng Public Attorney’s Office (PAO).

Tiwala si Drilon na hindi ito ibi-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil and Forensic Laboratory ng PAO ay duplikasyon ng functions o trabaho ng mga pangunahing law enforcement agencies sa bansa.

Tinukoy ni Drilon na ang otorisado at kinikilala ng batas na magsagawa ng forensic examination ay ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI), na katulad ng PAO, ay nasa ilalim din ng Department of Justice.


Iginiit ni Drilon na sa halip doblehin ang trabaho ng PNP at NBI ay mas mabuting gamitin ng PAO ang pondo nito sa pagkuha ng mas maraming abogado na tutulong sa mga mahihirap na may kinakaharap na problemang legal.

Ayon kay Drilon, naglagay na rin sila ng ganitong probisyon sa 2020 General Appropriations Act na inaprubahan naman ng Pangulo.

Facebook Comments