Senator-elect Raffy Tulfo, tutol sa madugong giyera kontra iligal na droga

Nagpahayag ng pagtutol si incoming Senator Raffy Tulfo sa bloody drug war o madugong pamamaraan ng paglaban sa ipinagbabawal na droga.

Ayon kay Sen. Tulfo, pabor siya sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte pero hindi niya nagustuhan ang bloody drug war o maraming napapatay ng mga sangkot sa paggamit ng ipinagbabawal na droga.

Ipinunto pa ni incoming Senator Tulfo ang unang sigwada ng tokhang noon kung saan may mga ilang mga gumagamit ng illegal drugs ang sumurender sa mga barangay at mga presinto na kinuha ang mga pangalan.


Paliwanag pa ni Tulfo, matapos makuha ang pangalan ay pinauwi ang mga sumuko at makaraan ang ilang araw o linggo nakita na lamang na nakabulagta dahil lumaban umano sa mga awtoridad.

Binigyang diin ni Tulfo na dapat tutukan ng susunod na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga karagdagang rehabilitasyon para sa mga sumukong gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

Aniya, dapat kapag agad na sumuko ay agad na papirmahin at dalhin sa Rehabilitation Center para makapagbagong buhay ang mga biktima ng iligal na droga.

Facebook Comments