Senator Francis Tolentino, naglabas ng sama ng loob sa PSA sa gitna ng pagtalakay sa budget

Umalma si Senator Francis Tolentino sa hindi agad pagtugon ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa hinihinging dokumento ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa death certificate ng abogadong nagnotaryo sa procurement o pagbili ng laptops ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Sa pagtalakay ng budget ng PSA, inihayag ni Tolentino na masama ang kaniyang loob sa pandededma at hindi pagkilala ng ahensya sa isinumiteng ‘subpoena duces tecum’ na nilagdaan pa ni Senate President Juan Miguel Zubiri para sa hinihinging death certificate.

Sa unang request ay sinagot umano siya sa email na hindi mapagbibigyan ang hiling dahil sa “Data Privacy Act” at ang sumunod nang katwiran ay dahil may internal rules ang PSA kaya hindi maibibigay ang dokumento sa Blue Ribbon.


Pero giit ni Tolentino, ano ang basehan ng PSA para salungatin ang Kongreso at ang batas na mas mataas sa kanila.

Sinabi pa ni Tolentino na kung tutuusin ay pwede niyang ipa-contempt ang PSA sa hindi pagtalima sa hiling ng Blue Ribbon pero hindi niya ito ginawa.

Sa gitna ng pagkadismaya ng senador ay nilinaw naman niya na hindi nito haharangin ang budget ng PSA.

Pero, binigyang-diin ni Tolentino na hindi na dapat maulit ito at huwag mabastos ang Senado ng kahit na anong ahensya na humihingi ng budget sa Kongreso.

Facebook Comments