Senator Gatchalian, iminungkahi ang paggamit ng telebisyon sa mga komplikadong aralin

COURTESY: SENATE OF THE PHILIPPINES FB

Isinusulong ni Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang mas malawakang paggamit ng telebisyon para sa pagtuturo ng mahihirap o komplikadong mga aralin.

Mungkahi ito ni Gatchalian kasunod ng paglilibot niya sa ilang mga bahay sa Valenzuela kung saan kaniyang napansin na ilang aralin sa mga Self-Learning Modules (SLM) ay masyadong komplikado at nangangailangan ng paggabay ng isang guro.

Paliwanag ni Gatchalian, makatutulong ng malaki ang paggamit ng video kung saan mas naipapaliwanag nang maigi ang tamang sagot sa tanong tulad sa Mathematics.


Ayon kay Gatchalian, mas maraming mga mag-aaral ang mayroong telebisyon sa bahay kaysa sa internet kaya mas maraming batang maaabot ng telebisyon kung ito ang gagamitin sa distance learning.

Tinukoy ni Gatchalian ang pag-aaral ng global data firm na Dataxis, na may halos 18.7 milyong sambahayan ang may telebisyon habang sa datos ng Department of Education ay nasa 6.3 milyong sambahayan ang walang internet.

Dagdag pa ni Gatchalian, mahalaga rin ang pakikipag-ugnayan ng mga lokal na pamahalaan sa mga lokal na istasyon ng telebisyon at radyo para masigurong maaabot ang lahat ng mga bata sa mga komunidad.

Facebook Comments