Senator Go, agad sinopla ang planong exposé ni dating Senator Trillanes laban sa kanila ni Pangulong Duterte

Agad binara ni Senator Christopher “Bong” Go ang Twitter post ni dating Senator Antonio Trillanes IV na sa susunod na linggo ay mayroon itong ilalabas na korapsyon laban sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Go, nabuhay na naman ang totoong Bikoy dahil mag-e-eleksyon na ulit at nagpapansin dahil kakandidato.

Ayon kay Go, sanay na sya sa paglalabas ni Trillanes ng akusasyon na hindi naman kayang patunayan dahil puro imbento at bahagi lang ng modus mula noon na pintahan ng itim ang iba para ito ang mapansin.


Sabi pa ni Go, kaya sya naging senador ay dahil sa maling bintang ni Trillanes at ano naman kaya ang ibubunga sa kanya ng bagong nitong imbentong akusasyon.

Diin ni Go, tanging hangarin nya ay sugpuin ang korapsyon sa gobyerno na umaayon sa ipinangako ni Pangulong Duterte kaya bawat linggo ay may sinususpinde o tinatanggal sa puwesto na sangkot sa katiwalian.

Hiling ni Go sa taumbayan, makipagtulungan at isumbong sa kanila ni Pangulong Duterte ang mababatid nilang korap para maimbestigahan, makasuhan at agad masibak.

Pinayuhan din ni Go ang publiko na huwag sayangin ang oras sa mga patutsada, paninira at imbentong kwento lang ni Trillanes.

Paalala ni Go, tatak Trillanes ang hindi na nakakatulong sa kapwa ay nanloloko pa ng taumbayan dahil kung totoong may alam itong korapsyon ay bakit next week pa ang exposé dahil ba marahil ay naghahanap pa ito ng panibagong gagawing Bikoy.

Facebook Comments