Ikinadismaya ni Committee in Sports Chairman Senator Christopher Bong Go ang mga nagiging problema ngayon sa Southeast Asian o Sea Games na magsisimula na sa November 30.
Giit ni Go, hindi apology ang kailangan ngayon kundi pag-aksyon at pagtutulungan ng lahat dahil ang kapalpakan ng isa ay kapalpakan ng lahat at mananagot sila sa pangulo at sa mamamayang Pilipino.
Ang ikinakalungkot ni Go, sa gitna ng mga kapalpakang nangyayari ngayon ay may mga pumapalakpak – ugali aniya na hindi dapat ipamana sa mga kabataan.
Diin ni Go, malaki ang inaasahan ng buong mundo sa Pilipinas bilang host ng Southeast Asian Games.
At ito ay hindi lamang responsibilidad ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee o ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee, kundi ng lahat ng Pilipino, kaya dapat ay magtulungan tayo sa halip na magsisihan.
Panawagan ni Go, hindi ngayon ang panahon para magturuan, dahil makabubuting patapusin muna ang Sea Games at saka magsagawa ng imbestigasyon para mapanagot ang dapat managot.