Nakiusap si Committee on Health Christopher “Bong” Go sa mamamayan na tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa health protocols laban sa COVID-19 ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Go, pangunahing dapat iwasan ang mass gatherings o maramihang pagtitipon para ipagdiwang ang Pasko at pagpasok ng bagong taon.
Sa panayam kay Go, habang siya ay namimigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo sa Plaridel, Bulacan ay kaniyang ipinaalala na patuloy pa rin nating nilalaban ang COVID-19 at ang mass gathering ay maaring maging sanhi ng lalo pang pagkalat ng virus.
Nauunawaan ni Go ang kahalagahan para sa mga miyembro ng bawat pamilya na magkasama sama para ipagdiwang ang kapaskuhan pero dahil sa pandemya ay mas dapat aniya nating pahalagahan ngayon ang buhay at kalusugan ng bawat isa.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Go ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na bigyan ang publiko ng tamang gabay sa kung paano makakasunod sa health and safety protocols ngayong holiday season.