Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng isang privilege speech ay ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros na may niluluto ding kaso laban sa kanya ang Department of Justice.
Ebidensya aniya nito ang nakuhanan ng larawan na palitan ng text message ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kay Cong. Jing o former Negros Oriental Representative Jacinto “Jing” Paras, na miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Binanggit ni Hontiveros na ang VACC ay ang grupo na nag-file ng impeachment case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, at nag-announce na magfa-file din ng impeachment laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Ayon kay Hontiveos, nakasaad din sa nabanggit na text message ang akusasyon na tinituran niya ng statement ang testigo sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos.
Diin ni Hontiveros, nakakabahala na kung ang katulad niyang Senador ay kayang gawan ng kasinungalingan at akusahan ng hindi totoo ni Aguirre, ay ano pa ang kaya nitong gawin sa ibang mamamayang Pilipino.
Malinaw, ayon kay Hontiveros na ang pagsasampa ng kaso na walang basehan ay harrassment at paraan para patahimikin silang nasa oposisyon.
Kaugnay nito ay iginiit ni Senator Hontiveros na dapat ng mabitiw si Secretary Aguirre dahil ang inaasal at mga hakbang nito ay hindi tama para sa kalihim ng Department of Justice.
Paliwanag ni Hontiveos, nilalabag ni Aguirre ang Republic Act 6713, o ang code of conduct and ethical standards for public officials and employees.
Bukod dito, ay pinag-i-inhibit din ni Hontiveros si Aguirre sa imbestigasyon sa pagpatay sa grade 11 student na si Kian.