Senator Imee Marcos at VP Sara Duterte, magkaibigan pa rin sa kabila ng pambabatikos ng bise presidente kay PBBM

Nananatili pa ring magkaibigan sina Senator Imee Marcos at Vice President Sara Duterte sa kabila ng mga patutsada ng Pangalawang Pangulo sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ayon kay Senator Marcos, magkaibigan pa rin sila ni VP Sara at siya naman ay ayaw ng nakikipag-away o may kaaway.

Talaga aniyang nakakasama ng loob dahil kung siya lamang aniya ang masusunod, gusto sana niyang “forever” na ang UniTeam pero sa ngayon ay mukhang wasak na talaga ang partido.


Magkagyunman, hindi pa aniya sila nagkakausap o nagkikita ng Pangalawang Pangulo.

Samantala, hindi naman minasama ni Senator Marcos ang mga binitawang pahayag ni VP Duterte laban sa pamahalaan ng kanyang kapatid at sa kanyang palagay, pareho lamang din ito sa mithiin ng lahat ng mga Pilipino.

Aminado ang mambabatas na may “areas” o bahagi sa administrasyon na kailangan talagang paghusayin lalo’t sa ginanap na pagdinig ng Senado ay bilyon-bilyon na ang inilaang pondo para sa flood control pero wala naman pala talagang plano.

Facebook Comments