Pinabulaanan ni Senator Jinggoy Estrada na siya ang papalit kay Senate President Juan Miguel Zubiri sa pwesto sa gitna na rin nang kumakalat na alingasngas na magkakaroon ng pagpapalit sa Senate leadership sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo 24.
Giit ni Estrada, pati siya ay nadadamay sa tsismis na hindi niya alam kung saan nanggaling sabay giit na walang katotohanan na siya ang papalit kay Zubiri.
Hindi rin niya alam kung saan nagmula ang impormasyon at wala namang plano o usapan na magkakaroon ng kudeta sa liderato ng Senado.
Pagtitiyak ni Estrada, syento-por-syentong matatag ang Senate leadership at katunayan ang lahat ng mayorya sa Mataas na Kapulungan ay suportado ang kasalukuyang Senate President.
Sinabi pa ni Estrada sa mga pagtatanong ng media na huwag na ipilit ang usaping ito dahil kailanman ay hindi aniya mangyayari ang pagpapalit sa liderato.
Maganda aniya ang pagpapatakbo ngayon sa Senado at sa ilalim ng pamunuan ni Zubiri ay pangalawa ang Mataas na Kapulungan sa mga government institutions na nakatanggap na mataas na rating.
Dagdag pa rito ang nakuha ring mataas na trust rating at good performance rating ni Zubiri kung saan nahahatak ng senador sa pagtaas ng rating ang buong institusyon.