Senator Jinggoy Estrada, nilinaw na hindi niya ipinagbabawal ang pagpapalabas ng Korean telenovela

Nagpaliwanag si Senator Jinggoy Estrada na wala siyang balak na ipagbawal sa bansa ang mga ipinalalabas na Korean telenovela.

Matatandaang kahapon sa pagdinig sa panukalang budget sa 2023 ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ay iminungkahi ni Estrada na i-ban ang mga ‘Koreanovela’ at sa halip ay mas isulong ang mga gawang Pinoy na mga pelikula at mga palabas.

Nilinaw ni Estrada na dala lamang ng frustration sa paghina ng telenovela at movie industry sa bansa kaya niya nabanggit ang suhestyon na ipagbawal ang Korean telenovela sa bansa.


Hindi aniya siya tutol sa Korean telenovelas at sa katunayan maraming maaaring matutunan sa mga pelikula at telenovela ng Korea.

Napuna ni Estrada na bukas tayo na ibida ang entertainment industry ng South Korea gayong nakakalungkot na hinahayaan nating humina ang sariling mga palabas at pelikula dahil sa kawalan ng suporta mula sa publiko.

Umapela ang senador na tulad sa pagtangkilik sa mga foreign artists ay suportahan din ng mga kababayan ang ating “homegrown talents” na aniya’y maipapantay din sa ‘world class’ talents.

Sinabi pa ng senador na ang ‘phenomenal success’ ng South Korea ay nagugat sa pagmamahal nila sa bansa na siyang dapat tularan at gawin din sa ating sariling entertainment industry.

Facebook Comments