Senator JV Ejercito Estrada, Bumisita sa Cauayan

Cauayan City, Isabela – Dumalaw kamakailan sa lungsod ng Cauayan si Senator JV Ejercito Estrada bilang pagpapaunlak sa imbitasyon ng JCI Cauayan Bamboo chapter sa isinagawa nitong training para sa kanilang mga miyembro noong Sabado, Pebrero 3, 2018.

Galing sa pag-aanak ng kasal sa Santiago City, Isabela, dumaan umano ang Senador at nagbigay ng inspirational message sa isinagawa ng JCI Manila at JCI Cauayan Bamboo Chapter na Bamboo Academy Power Training (isang leadership training na regular na ginagawa ng JCI) para sa mga miyembro nito dito sa Cauayan City at Alicia Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team sa senador, kanyang ibinahagi ang tulong na nagawa ng JCI sa kanyang career at malaki rin umano ang kanyang utang na loob sa nasabing organisasyon dahil ayon sa kanya hindi niya mararating ang kanyang kasalalukuyang katayuan bilang lingkod publiko kung hindi siya naging aktibong miyembro ng naturang organisasyon.


Hinikayat din ng senador ang mga miyembro ng JCI na manguna sa pag-alalay na maisagawa ang leadership development para sa Sangguniang Kabataan (SK) na naipasa na sa pamamagitan ng SK reform law, upang mahubong umano ng tama ang mga kabataan.

Sinagot din ng senador ang usapin tungkol sa umuugong na pagpapaliban ng eleksyon bilang pagbibigay daan sa transition period na ipinapanukala ng kongreso sa mainit na isyu ng pagpapalit ng sistema ng pamahalaan sa Federalismo.

Aniya, kung pansariling kapakanan o political career lamang niya ang kanyang iisipin, maganda umano ang mungkahing ito sapagkat mapapalawig nito ang termino ng mga elected officials ng walang kahirap-hirap at karagdagang gastos, kaya lang magiging mahirap umano itong maipaliwanag sa taumbayan.

Muli namang babalik ang senador ngayong linggo upang daluhan ang mass induction ng Cagayan Valley Chapter ng JCI.

Facebook Comments