Manila, Philippines – Tutol si Senator JV Ejercito na alisin mula sa 2018 budget ng Philippine National Police o PNP ang 900 million pesos na pondo nito para oplan double barrel at oplan tokhang.
Ito ay kahit pa aniya iniatas na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na ang lead agency sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Sabi ni Ejercito, sa halip na tapyasin ay makabubuting ilaan ang nasabing salapi sa iba pang pangangailangan ng PNP.
Halimbawa aniya nito ang pagbili ng mga choppers na makakatulong para mapabuti ng PNP ang pagtupad sa mandato nito.
Ayon kay Ejercito, pwedeng rin ilaan ang nasabing salapi sa anti-crime operations at anti-terrorism units ng PNP o sa iba pang mahalagang programa nito.
Nais naman ni Senate Majority Leader Tito Sotto III at Senator Grace Poe, gugulin na lang ang nasabing pondo sa modernisasyon ng PNP Internal Affairs Service o IAS.
Katwiran nina Sotto at Poe, makakatulong ito para sa modernisasyon at pagpapabuti ng investigation processes ng PNP-IAS laban sa mga tiwaling pulis.