Manila, Philippines – Magpapatuloy ngayong araw ang ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa 6.4 billion pesos na halaga ng shabu galing China na nakalusot sa Bureau of Customs.
Sa pagdinig mamaya ay ilalabas ni Senator Panfilo Ping Lacson ang nakalap niyang listahan ng mga opisyal ng BOC na tumatanggap umano ng tara o lagay, kasama si Customs Commissioner Nicanor Faeldon at kanilang mga bagmen.
Sabi ni Lacson, ikukumpara niya ang kanyang listahan sa listahan ng Customs broker na si Mark Taguba at itatanong niya rin kay Mark kung ano ang kanyang nalalaman hinggil dito.
Sabi ni Lacson, wala sa kanyang listahan ang anak ng pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Bukas aniya ang Senado kung nais ni Paolo na dumalo sa pagdinig pero sa ngayon ay wala pang basehan para ito ay imbitahan dahil wala pa namang ebidensya o direktang naguugnay dito sa nabanggit na shabu shipment.
Sa pagdinig ay muling haharap ang dalawang Chinese Nationals na isang linggo ng nakaditine sa Senado dahil sa hinala ng mga senador na pagsisinungaling.
Ito ay sina Richard Tan at Manny Lee.
Sabi ni LACSON, papaaminin niya si Tan kung saan pa napunta ang iba pang container vans na pinaniniwalaang naglalaman din ng malaking volume ng shabu.
Itatanong din ni Lacson kay Tan kung may alam ito sa tatlong pang cylinder na naglalaman ng shabu na nakita naman sa isang unit ng townhouse sa Sampaloc, Maynila.
Residue na lang ng shabu ang laman ng nabanggit na mga cylinder kaya sabi ni Lacson siguradong nadala na ang mga ito sa merkado.
Samantala, ang Chairman naman ng komite na si Senator Richard Gordon ay planong humiling sa mga Customs officials sa Xiamen China ng kanilang testimonya kaugnay sa nabanggit na smuggling ng shabu sa Pilipinas.
Sa customs officials kasi nanggaling ang tip ng paglusot sa bansa ng shabu kung saan ang Chinese National na si Richard Tan ang ibinigay nilang contact person sa mga Customs officials.
Si tan ang nagturo sa nabanggit na 604 kilos ng shabu na nasabat sa 2 warehouse sa Valenzuela City noong May 26.