Senator Lacson, may naaamoy na katiwalian sa presyo ng Sinovac sa Pilipinas

Nangangamoy ‘tong-pats’ ang lumulutang na presyo ng bakuna ng Sinovac sa Pilipinas, kumpara sa presyo nito sa ibang bansa.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, ito ay kung pagbabatayan ang $5 kada turok na presyo sa ibang mga bansang naunang nakipagtransaksyon sa kompanya para masigurado ang suplay at sa $38 (mahigit P1,800) per dose na ibinabalitang presyo sa Pilipinas.

Pero ayon kay Lacson, kung sakali mang totoo na ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. na P650 kada turok ang magiging presyuhan sa bansa, ibig sabihin nito ay nagawa ng Senado ang obligasyon nito para sa makatuwirang presyo ng bakuna.


Pahayag ito ni Lacson matapos na iulat ng Bangkok Post na batay sa mga datus ng World Health Organization (WHO) at mga manufacturer, ay $5 lamang ang presyo ng bawat dose ng Sinovac.

Diin ni Lacson, mababang-mababa ito kumpara sa naunang isinumite ng Department of Health (DOH) sa Senate Committee on Finance sa deliberasyon noong Nobyembre sa pambansang badyet na pumapatak sa P3,629.50 ang halaga ng dalawang turok ng nabanggit na bakuna.

Facebook Comments