Pinayuhan ni Senador Panfilo Lacson ang lehitimong netizens na huwag nang mag-aksaya ng panahon para patulan, i-report, at i-block ang mga troll sa social media.
Ayon kay Lacson, ito ang mainam gawin habang naghihintay sa magiging aksiyon ng Facebook at iba pang social media platforms sa patuloy na paglala ng problema sa troll farms.
Ibinahagi din ni Lacson ang ilang senyales ng mga troll account na puwedeng maging gabay ng mga lehitimong netizen.
Kabilang dito ang kawalan ng activity sa main Facebook profile at paggamit ng kung anu-anong larawan bilang profile photo.
Halata rin ayon kay Lacson ang pagiging masyadong mapusok, mapaghamon, mapanakit at mapanira sa partikular na tao, proyekto o ideya ang post sa halip na gumamit ng argumento at maayos na katuwiran.
Kapansin-pansin din ayon kay Lacson ang paggamit ng kapareho o halos kaparehong mensahe mula sa ibang account na umaatake rin sa isang partikular na target.
Diin ni Lacson, nagpapakalat ng fake news at mga wala sa hulog na argumento ang mga ito at agad kinukuyog ang ibang lehitimong netizens na hindi sang-ayon sa kanila.
Una rito ay isiniwalat ni Lacson ang nabatid nyang impormasyon na isang undersecretary umano ang nanghihikayat para makabuo ng dalawang troll farms sa bawat probinsiya kaugnay sa nalalapit na halalan.