Umaasa si Senator Panfilo Ping Lacson na ang pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Telecommunication Companies o Telcos ay magsisilbing wake-up call para paghusayin ng mga ito ang serbisyo sa publiko.
Ayon kay Lacson, ang ganitong pagbabanta ng Pangulo ay nagiging epektibo tulad ng paghantong ng Mighty Cigarette sa P40 billion na tax settlement, pagbabayad ng Philippine Airlines ng P6 billion na obligasyon sa pamahalaan, pagtake over ng gobyerno sa Mile Long property at rehabilitasyon ng Boracay.
Diin ni Lacson, totoo ang basehan ng Pangulo sa kanyang banta dahil talaga namang napag-iiwanan ng ating kalapit bansa ang uri ng telecommunications services sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ni Lacson na dapat ay pinagbantaan o binalaan din ni Pangulong Duterte ang mga Local Government Unit (LGU) executives na nangingikil o nanghihingi ng pera sa mga Telcos kapalit ng pagbibigay sa kanila ng permit o lisensya.
Bukod dito, naglalabas din ng pera ang mga Telcos para magkaroon ng proteksyon sa delay ng kanilang pasilidad sa mga lugar na matindi ang presensya ng mga armadong grupo tulad ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA).