Nakalabas na ng Manila Doctors Hospital ngayong araw si Senator Leila de Lima matapos ang tatlong araw na medical furlough para sumalang sa ilang mga pagsusuri.
Matatandaan na sa ginawang pagsusuri ng doktor nito na si Dr. Meophilla Santos-Cao, posibleng nakaranas ang senadora ng mild stroke kung kaya’t kinakailangan nitong dumaan pa sa ilang pagsusuri sa labas ng Camp Crame.
Nabatid na sumailalim sa brain magnetic resonance imaging (MRI) at blood chemistry si De Lima pero wala naman ng inilabas na anumang medical report hinggil sa ginawang pagsusuri sa kaniya.
Agad na ibabalik ang senadora sa Philippine National Police Custodial Center kung saan siya nakakulong dahil sa hinaharap nitong drug-related charges na nag-ugat noong siya pa ang tumatayong Justice secretary.
Bago dalhin sa nasabing hospital si De Lima, sumalang muna ito sa COVID-19 test kung saan negatibo naman ang kaniyang resulta.
Nitong buwan rin ng Pebrero nang unang dalhin sa Manila Doctors Hospital si De Lima para sumalang sa routine medical examination ng isang araw.