
Bahagi ng plano ng mayorya na paupuin bilang Senate President si Senator Loren Legarda.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Tito Sotto III matapos ang tensyon sa umugong na balita na panibagong kudeta sa kanyang liderato at ang posibleng papalit ay si Legarda.
Ayon kay Sotto, plano nila na bago matapos ang 20th Congress ay si Legarda na ang pauupuin kasunod ng naging pulong na term-sharing.
Una rito, nag-post si Senator Kiko Pangilinan ng larawan ng majority bloc kasama si Legarda na may hashtag na “PowerSharing”, indikasyon na may namumuong hatian ng termino.
Nagpahiwatig naman si Senate Majority Leader Migz Zubiri na posibleng sa hinaharap ay mangyari ang term-sharing.
Sinabi naman ni Senator JV Ejercito na posibleng tig-isang taon ang maging term-sharing nina Sotto at Legarda base sa naging usapan sa Senate lounge pero ito ay hindi pa pormal na napagkakasunduan.










