Hinikayat ni Senator Imee Marcos ang pamahalaan na linawin ang mga ipinatutupad na polisiya kaugnay sa quarantine.
Ito ay upang hindi na magdulot pa ng kalituhan at mahikayat ang publiko na sumunod sa protocols.
Ayon kay Marcos, kahit siya ay nalilito rin sa guidelines ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic kasabay ng muling pagbubukas ng ating ekonomiya.
Ipinunto ng senadora ang pagkabigo umano ng Department of Health na klaruhin ang kumalat na text message mula sa National Telecommunications Commission na may kaugnayan sa pagsasagawa ng christmas party.
Ayon kay Marcos, hindi niya alam kung sino ang paniniwalaan dahil magkaiba ang ibinibigay na patakaran ng DOH sa Inter Agency Task Force at iba pa sa mga Local Government Units.
Hindi rin aniya siya naniniwala na pasaway ang mga Pilipino kundi nalilito lamang sa magkakaibang panuntunan na ibinibigay ng gobyerno.