Senator Marcos, may apela sa mga kinauukulang opisyal at ahensya ng gobyerno kaugnay sa malakas na lindol na yumanig kahapon

Hinihiling ni Senator Imee Marcos sa lahat ng alkalde gayundin sa Philippine National Police (PNP), sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at sa iba pang ahensya ng gobyerno na maging alerto sa malalakas na aftershock at tsunami.

Ang panawagan ni Marcos ay kasabay ng panalangin para sa kaligtasan ng mga kababayan natin, lalo na sa Norte kung saan tumama ang 7.3 magnitude na lindol.

Giit ni Marcos, agad magsagawa na ng preventive evacuation sa coastal barangays at landslide-prone zones at ihanda na rin ang mga evacuation center at relief goods para sa mga biktima.


Ayon kay Marcos, kailangang pakilusin na ang mga lokal na pamahalaan at ang Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng bawat bayan at lungsod para magsagawa ng assessment sa mga pinsala at kundisyon ng mga kababayan natin.

Diin ni Marcos, dapat ding tiyakin ang kaligtasan ng mga eskwelahan dahil sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Agosto.

Tiniyak naman ni Marcos na patuloy niyang imo-monitor ang sitwasyon at tutulungan ang mga apektadong lugar.

Facebook Comments