“Trabaho lang, walang personalan at wala ring kapatiran”.
Pahayag ito ni Senator Imee Marcos makaraang i-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Act.
Diin ni Marcos, kinikilala at iginagalang niya karapatan ng pangulo na i-veto ang anumang panukalang batas.
Pero aminado si Marcos na siya ay talagang nadismayang nakansela ang Bulacan ecozone na makakapagbigay sana ng maraming trabaho sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya sa lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija at iba pang karatig-probinsya.
Ayon kay Marcos, si dating Finance Secretary Sonny Dominguez ang nagbawal sa pagtatag ng lahat ng bagong ecozone mula 2016 dahil sa mawawalang buwis sa gobyerno.
Nangangamba rin si Marcos na baka magdalawang-isip ang mga interesadong foreign investors sa nangyaring pag-veto.
Kaugnay nito ay iginiit ni Marcos na dapat magkaliwanagan ang ehekutibo at lehislatura sa magiging direksyon, kung ipagpapatuloy ba ng bagong administrasyon ang pag-ban sa bagong ecozones kahit hindi ito ipinagbabawal sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law.