Tahasang itinanggi ni Senator Nancy Binay ang akusasyon na inupuan niya ng ilang buwan ang pagpapatayo ng New Senate Building (NSB) noong siya pa ang Chairperson ng Senate Committee on Accounts.
Sa ginanap na pagdinig kahapon ng Senado ay ipinagpapalagay ni Senate Committee on Accounts Chairman Alan Peter Cayetano na ilang buwan ding inupuan ni Binay ang NSB dahilan kaya nabinbin ang proyekto pero ito ay itinanggi ng senadora at aniya’y mabusisi nilang inaaral ang mga dokumento at hindi lang ito nakatengga sa kanyang lamesa.
Masama ang loob ni Binay sa alegasyon dahil dalawang beses sa isang linggo kung talakayin ito ng kanyang komite kasama ang mga kaukulang ahensya na may kinalaman sa pagpapatayo ng NSB.
Inamin din ni Binay na nasaktan siya dahil nabuhay muli ang sugat na akala niya ay naghilom na matapos ang nangyari noong 2015 kung saan si Cayetano rin ang nanguna sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa Makati City Hall Parking Building na proyekto ng kanyang ama na si dating Vice President Jejomar Binay noong ito ay alkalde pa ng Makati.